Ina minartilyo ng anak, patay
CAVITE, Philippines — Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang nanay matapos itong martilyuhin sa ulo ng sariling anak na babae sa kanilang bahay sa Barangay Burol Main sa Dasmariñas City, Cavite kamakalawa ng gabi..
Bandang alas-7:45 ng gabi nang matagpuan ang duguang katawan ng biktimang si Ma. Margarita Belleza ng Block 27, Lot 14, Aberbin Street sa Chester Place Subd. sa nabanggit na barangay.
Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Maybelle Belleza, 39, ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Elmo Caboboy, rumesponde ang pangkat ng pulisya sa nasabing barangay kaugnay sa naganap na krimen.
Nabatid na inamin ng suspek sa kanyang kapitbahay na napatay niya ang sariling ina kung saan ibinalot pa nito sa kumot ang katawan ng matanda.
Narekober sa crime scene ang martilyong ginamit ng suspek sa krimen habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspek.
- Latest