Ex-pulis itinumba sa reception area ng kasalan

Duguang bumulagta ang dating pulis na si P01 Michael Sauro matapos itong pagbabarilin ng tatlong hindi kilalang lalaki sa reception hall ng kasalan sa Barangay Nadawisan, bayan ng Cataingan, Masbate noong Lunes ng umaga.   Kuha ng RPIO/PRO5  

LEGAZPI CITY, Albay , Philippines – Bulagta ang dating pulis matapos itong pagbabarilin ng tatlong rebeldeng New People’s Army sa harap mismo ng bagong kasal sa reception area sa Barangay Nadawisan sa bayan ng Cataingan, Masbate noong Lunes ng umaga.

Ilang tama ng bala sa ulo at mukha ang tumapos sa buhay ni ex-PO1 Michael Sauro ng nasabing barangay.

Nabatid na si Sauro ay nagretiro noong 2016 makaraang mapilay dahil sa pananambang ng mga rebeldeng NPA sa nasabing bayan.

Sa police report na nakarating kay P/Senior Insp. Ma. Luisa Calubaquib ng Camp Simeon Ola, kumakain ang biktimang ninong sa kasalan nang ratratin ng tatlong kalala­kihan sa reception hall.

Nabulabog at nagpulasan ang mga bisita palabas ng reception hall ng bagong kasal para hindi madamay sa pamamaril.

Bago tumakas ang gunmen ay binasag ang salamin ng sasakyan ng biktima saka hinanap ang baril pero hindi naman natagpuan.

Sinisilip ng mga im­bestigador ang anggulong negosyo at politika ang isa sa motibo sa pamamaslang.

Show comments