Koreans dismayado sa pagkapatay sa kababayan

Nagbantang i-pull out ang mga negosyo sa bansa…

ANGELES CITY, Pampanga, Philippines – Galit at dismayado ang mga Koreanong negos­yante kaugnay ng pagdukot at brutal na pagpatay sa loob ng mismo ng Camp Crame sa kanilang kababayang si Jee Ick-joo na biktima ng “tokhang-for-ransom” noong Oktubre 2016 kung saan sangkot ang ilang opisyal ng pulisya.

Ayon sa ilang source, nagbabanta umano ang mga negosyanteng Koreano na i-pull out ang kanilang business investments sa bansa bilang pagpapakita ng matinding sentimyento sa ginawang pagdukot at pagpatay sa kanilang kababayan matapos makuha ang ransom ng mga tiwaling PNP officers na sangkot sa krimen.

Bukod sa galit at pagkadismaya ng mga Koreano, ay takot din ang kanilang naramdaman matapos pumutok ang isyu kay Jee.

Ayon sa isang Ko­rean trader na tumangging ipa­banggit ang pagkakaki­lan­lan, may ilang kaso na rin pala ng “tokhang-for-ransom” ang naganap sa nasabing lungsod subalit hindi katulad ng  kay Jee.

Isiniwalat din ng may-ari ng tourism business sa kalapit na Clark Freeport na hindi lamang mga tiwaling pulis ang sangkot sa ganitong gawain kundi maging ang ilan din nilang kababayang Koreano.

“That’s why I am picky in making friends with my countrymen here,” ayon pa sa Korean trader na ayaw ipabanggit ang kanyang pangalan.

Base sa artikulong inilabas ng Korea Times kaugnay sa mga ganitong gawain, sangkot din umano ang ilang Koreano.  “Koreans are often victims of contract killing organized by their compatriots”

Inihalimbawa ng Korea Times ay ang kaso ng 60-anyos na biktimang si Her Tae Suck na pinagbabaril ng riding-in-tandem assassins sa labas ng Prsim Hotel sa Clarkview Avenue noong Pebrero 2014.

Isa pang insidente ng pagpaslang sa 60-anyos na si Park Youn Jae na may-ari ng Royal Garden Estate sa Barangay Cuayan, Angeles City kung saan pinagbabaril ito sa kanyang opisina sa nasabing establisyimento. The Phil. Star News Service

Show comments