LBC, hinoldap ng electrician

QUEZON, Philippines – Hindi nagawang itakas ng isang electrician na nangholdap sa sangay ng LBC Express ang kanyang nakulimbat na pera matapos itong maaresto sa inilatag na chokepoint sa panulukan ng Quezon Street at Juez Andres sa Zone 3 sa Barangay Poblacion, bayan ng Atimonan, Quezon kamakalawa ng hapon.

Nakatakdang kasuhan habang nakakulong ang suspek na si Marlon Parzuelo, may asawa, ng Sariaya, Quezon.

Ayon kay P/Chief Insp. Alexis Nava, isinagawa ng suspek ang panghoholdap sa  LBC Express dakong ala-1:15 ng hapon.

Abala umano sa ibang customer ang kawaning si John Kevin Montes nang lapitan at tutukan ng baril at nagdeklara ng holdap ang suspek.

Kaagad na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo at tinangay ang collection money na nagkakahalaga ng P5,830. Gayunman, inalerto ang pulisya kaya naharang ang suspek sa inilatag na chokepoint ng mga pulis.

Narekober sa suspek ang nasabing halaga at cal. 380 pistol na ginamit nito sa panghoholdap.

Show comments