5 todas sa drug bust

BULACAN, Philippines – Patay ang limang lalaki na umano’y notoryus na tulak ng shabu matapos na manlaban sa pulisya na nagsagawa ng drug buy bust operations sa tatlong lugar sa Brgy. Poblacion, Santa Maria, Brgy. Concepcion, Baliwag at Brgy.Longos, Malolos City, ng lalawigan nitong Huwebes ng gabi.

Ang mga nasawi ay sina Castro Caliwan Jr., nasa hustong gulang, kabo ng Small Town Lottery, ng Sitio Tabing-Ilog, Brgy.Poblacion, Santa Maria; isang alyas Boyet Maskara ng Brgy. Concepcion, Baliwag, Nicanor Francisco, nasa hustong gulang, ng bayan ng Hagonoy; Von Bryan Brabante, 32; ng Taguig City, at isang alyas Datu Puti habang nakatakas naman ang isa pang kasabwat na may alyas na Benjie.

Sa ulat ni P/Supt. Reniel Valones, dakong alas-10:20 ng gabi, unang nagsagawa ng operasyon ang lokal na Drug Enforcement Unit sa Sitio Tabing-Ilog, Brgy. Poblacion at habang nagpapalitan ang poseur buyer na pulis at si Caliwan ay nakatunog ang huli sa presensya ng iba pang mga pulis sanhi upang magkabarilan.

 Kasunod nito, lumaban naman si alyas Boyet Maskara sa mga tauhan ni P/Supt. Froilan Uy ng Baliwag MPS matapos na pagbilhan ng isang sachet ng shabu sanhi ng kanyang pagkasawi.

Samantala, isang confidential asset at isang poseur buyer na pulis na tauhan ni P/Supt. Heryl Bruno ang nakipagkita sa mga suspek na sina Francisco at taong kasabwat nito sa isang bahagi ng Brgy. Longos, Malolos City upang bumili ng isang sachet ng shabu at nang makahalata si Francisco ay dito na binunot ang kanyang baril ngunit naging maagap ang pulisya na nagresulta ng kamatayan nito. Agad namang tumakas ang kasamahan ng suspek sanhi ng running gun battle na nagresulta sa pagkasawi ng dalawa habang tuluyang nakatakas ang isa pa.

Show comments