Suspek sa murder nilikida ng tandem

BULACAN, Philippines – Napaslang ang 47-anyos na lalaki na sinasabing pangunahing suspek sa pagpatay sa kanyang dating ka-live-in matapos itong tambangan ng motorcycle-riding gunmen habang naglalakad sa likurang kalsada ng pamilihang bayan sa Barangay Pulong Buhangin, bayan ng Santa Maria, Bulacan noong Lunes ng gabi.

Tatlong tama ng bala sa katawan ang tumapos sa buhay ni Ariel Sacdalan ng Road 2 Balasing, KM. 38 sa nasabing barangay habang tinamaan naman ng ligaw na bala sa kanang daliri ang anak nito na si Kim Harvey Sacdalan, 19.

Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Reniel Valones, magkasamang naglalakad ang mag-ama sa bisinidad ng Green Valley Subd. nang lapitan at pagbabarilin ng tandem pagsapit sa kurbadang kalsada.

Narekober sa crime scene ang karatula na may nakasulat na “wag tularan, adik, pusher ako”.

Sa tala ng pulisya, si Ariel na sinasabing nasa drug watchlist ng pulisya ay isinasangkot sa pagpatay sa dating ka-live-in nitong si Michelle Gonzales noong Agosto 3, 2016.

Si Gonzales ay pinalalabas na nagbigti sa loob ng bahay subalit sa resulta ng post-mortem examination ng pulisya, ito ay binigti.

 

Show comments