MANILA, Philippines – Patay ang 40-anyos na bagitong lady cop makaraang pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen sa harapan ng karinderya sa gilid ng national highway sa Sitio Mialim, Barangay Vitali, Zamboanga City, Zamboanga del Sur noong Lunes ng hapon. Idineklarang patay sa Vitali Lyin-in Clinic ang biktimang si PO1 Peggy Lynne Vargas, nakalataga sa Zamboanga City Police Station 1. Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, nakatayo sa harapan ng karinderya ang biktima nang biglang lapitan at ratratin ng tandem. Nasaksihan ng mga kasamahan ng biktima na sina Ma. Socorro Zamonte at Alona Zamonte na masuwerte namang hindi tinamaan sa pamamaril. Narekober sa crime scene ang siyam na basyo ng bala ng cal. 45 pistol.