Bus vs jeep: Kundoktor utas, 7 sugatan

Halos mahulog sa Iyam Bridge ang pampasaherong bus na patungong Tagkawayan, Quezon nang makabanggaan nito ang kasalubong na pampasaherong jeepney na patungo naman sa bayan ng Sariaya, Quezon kahapon ng madaling araw. TONY SANDOVAL

LUCENA CITY, Quezon, Philippines - Nabasag ang bungo at namatay ang konduktor ng pampasaherong bus habang pito naman ang nasugatan makaraang makabanggaan ng bus ang kasalubong na cargo jeep sa tulay ng Iyam sa Barangay Domoit, Lucena City sa Quezon kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Joel de Mesa, hepe ng Lucena City PNP, nakilala ang namatay na si Reynaldo Teofilo, konduktor ng AB Liner Bus at nakatira sa Tagkawayan, Quezon.

Ginagamot naman sa Quezon Medical Center ang mga sugatang pasahero ng bus na sina Remy Reyes, Alma Glinoga ng Lopez, Quezon; Ariel Quisto, Maricris Llaba, mga nakatira sa Antipolo City, Rizal; pahi­nante ng jeep na si Lenard Malina, Alberto Jubilo, driver ng AB Liner Bus; at ang driver ng jeep na si Arnel Barbacena.

Ayon kay SP02 Allan Ocampo, offier on case, naganap ang aksidente dakong alas-4:30 ng madaling araw sa mismong Iyam Bridge.

Patungo sa Tagkawayan ang AB Liner Bus (DWU-555) ni Jubilo kung saan ay natumbok nito ang jeep (CHU-750) na kargado ng mga coco lumber at patungo sa Sariaya, Quezon na minamaneho ni Barbacena.

Tumilapon ang konduktor mula sa bus kung saan bumagsak sa batuhang ilog.

Show comments