1 patay, 2 sugatan sa pamamaril

BULACAN, Philippines – Napatay ang 37-anyos na mister habang dalawa naman ang tinamaan ng ligaw na bala matapos itong pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang lalaki sa Barangay Gaya-Gaya, San Jose Del Monte City, Bulacan kamakalawa ng gabi. Namatay habang ginagamot sa Tala General Hospital sa Caloocan City ang biktimang si Ismael Kasan ng Towerville Subdivision habang sugatan naman si Josephine Paguirigan at ang 7-anyos na nene na itinago sa pangalang Len-len. Nakatakas naman ang dalawang suspek lulan ng traysikel na walang plaka. Ayon kay PO1 Mitch Loven Bulatao, pinagsabihan ng biktima ang mga suspek na maghinay-hinay sa pagpapatakbo ng traysikel matapos itong mahagip habang tumatawid. Dito na kinompronta ng mga suspek ang biktima hanggang sa maganap ang pamamaril.

Show comments