Ambush: 1 dedo, 1 kritikal

BULACAN, Philippines – Napatay ang 51-anyos na kawani ng cockpit arena habang malubha naman ang kasama nito matapos tambangan ng tatlong dikilalang kalalakihan sa Barangay San Jose, bayan ng Plaridel, Bulacan kahapon ng madaling araw.

Napuruhan sa ulo si Socorro Enriquez habang isinasalba naman ang buhay sa Bulacan Medical Center ni Rosemarie Angeles, 35, booth teller at kapwa nakatira sa Brgy. Liciada sa bayan ng Bustos, Bulacan.

Nakatakas naman ang gunmen na lulan ng sasakyang may plakang TKD-869. Ayon kay SPO2 Allen Lopez, pauwi na ang mga biktima lulan ng Tamaraw XLT mula sa Plaridel Rendevous Cockpit Arena nang ratratin pagsapit sa madilim na bahagi sa nasabing lugar.

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng baril habang sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa trabaho at love triangle ang motibo ng gunmen.

Show comments