Lider ng gang, 3 pa tiklo

MANILA, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng isang lider ng robbery/gun for hire gang at tatlo nitong miyembro sa inilatag na serye ng operas­yon nga mga operatiba ng pulisya sa Agusan del Sur kamakalawa.

Sa ulat ng PNP-CIDG Caraga Region na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang lider ng Ballesteros Gang na si Patrick Ballesteros.

Bandang alas-5:30 ng umaga nang masakote si Ballesteros sa Purok 3, Barangay Coalicion sa bayan ng San Luis, Agusan Del Sur. 

Sa ulat ni P/Supt. Randy Glenn Silvio, nasakote naman sa Purok 4 ang dalawa pang suspek na sina Conrado Sanchez Sr. at  Ricardo “Ricky” Sanchez habang si Conrado “Junjun” Pantonial Jr. ay naaresto naman sa Purok 3, Barangay Zillovia sa bayan ng Talacogon, Agusan del Sur. Ang pagkakadakip sa mga suspek ay base sa mga warrant of arrest na inisyu nina Judge Eliseo Campos ng Municipal Circuit Trial Court ng Agusan del Sur at Judge Zenaida Placer ng Bayugan Regional Trial Court Branch 7.

Show comments