Sanggol na dinukot nasagip, 2 kidnapper timbog

MANILA, Philippines – Matagumpay na nasagip ng mga awtoridad ang kinidnap na 3-buwang sanggol na babae habang nasakote ang mag-asawang kidnapper sa isinagawang rescue operation sa Cuyos Compound, Brgy.  Tayud, Liloan, Cebu noong Miyerkules ng gabi.

 Sa ulat na tinanggap ni Chief Supt. Victor Deona, Director ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kay Sr.  Supt. Marlon Tabaya, dakong alas-6:20 ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at masagip ang sanggol sa nasabing lugar.

 Ini-report ni Maricel Enriquez, cigarette vendor sa CIDG region 7 noong Lunes ang pagdukot sa kanyang anak na sanggol na babae ng suspek na si Mary Jane Carizon sa bisinidad ng South Bus Terminal sa N. Bacalso Avenue, Cebu City noong Nob­yembre 2, 2015. Nabatid na ipinakarga lamang ng ginang kay Carizon na nakipagkaibigan sa ginang ang kanyang sanggol dahil abala sa pag-aasikaso sa kanyang mga kustomer hanggang sa madiskubre nitong nawawala na ang suspek tangay ang kanyang anak. Nitong Lunes, humingi ng tulong sa CIDG Region 7  at matapos ang imbestigasyon  ay natukoy ang pinagtataguan ng mag-asawang suspek.

Sa operasyon, naaresto si Carizon kasama ang mister na si Michael Petiluna na ngayo’y nahaharap sa kasong kriminal.

Show comments