Lover ni misis dinedo ng mister

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Pinabulagta ng mister ang 37-anyos na sinasabing kalaguyo ng kanyang misis matapos itong pagbabarilin sa loob ng pampasaherong Jeepney sa terminal ng sasakyan sa Brgy. Logac, bayan ng Lallo, Cagayan kamakalawa. Ayon kay SPO2 Gerardo Conde Jr., inalis pa ng suspek ang takip nito sa mukha matapos ratratin ang biktimang si James Bautista sa harap ng mga nasindak na pasahero. Pinagmumura pa ng suspek ang naghihingalong biktima bago ito naglakad palayo at sumakay ng pampasaherong van matapos ang krimen. Paghihiganti ang motibong sinusundan ng pulisya sa kaso dahil sa pinaghihinalaan ng suspek na kinakabayo ng biktima ang kanyang misis habang abala itong nagbubungkal sa bukirin. Pinaghahanap ng pulisya ang pangunahing suspek sa krimen.

Show comments