2 estudyante inararo ng truck, pisak

Crime Scene tape

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Patay ang dalawang graduating na estudyante habang dalawa naman ang malubhang nasugatan matapos  araruhin ng truck habang naghihintay ng pampasaherong jeepney sa gilid ng kalsada sa Barangay Anislag, bayan ng Daraga, Albay kahapon ng tanghali.

Kinilala ang mga namatay na sina Rona Alcera, 17; at Lawrence Soriao, 17, habang naputulan naman ng mga paa si Lea Andaya at malubhang nasugatan si Christopher Villa Gomez, 18, mga 4th year high school student sa Anislag National High School.

Samantala, tumakas naman ang driber ng truck na si Remegio Judilla, 59, ng #88 Tinamo Street sa Barangay Alimua, Bacoor  City, Cavite.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12 ng tanghali habang ang mga biktima ay naghihintay ng pampasaherong jeepney sa labas ng paaralan upang umuwi para mananghalian.

Kargado ng mga bakal ang truck nang mag-overtake ito sa isang kotse at nawalan ng kontrol sa manibela ang driver kaya inararo ang mga biktima.

Isa sa mga biktima ay naipit ang mga paa kaya naputol habang ang isa naman na estudyante ay nasa malubhang kalaga­yan habang tinutugis naman ng pulisya ang driver ng truck.

Show comments