Magsasaka inutas sa mamanahin

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Pinabulagta ang 40-anyos na magsasaka matapos itong barilin ng sariling utol dahil sa sinasabing mamanahing lupain sa Barangay Dist. 2, bayan ng Gamu, Isabela kamakalawa. Napuruhan sa katawan ang biktimang si Ernesto Carlos habang nasakote naman ang suspek na si Christopher Carlos, 32, kapwa nakatira sa nasabing barangay. Sa police report na nakarating kay P/Senior Insp. Calixto Labang, hepe ng Gamu PNP, pinagbabato ng biktimang lango sa alak ang bahay ng suspek kaya ito nagising. Dito na binoga ng suspek ang kanyang kuya saka tumakas subalit nasakote sa inilatag na follow-up operation ng pulisya. Nabatid na matagal nang may alitan ang magkakapatid kaugnay sa kanilang mamanahing lupain at ari-arian sa mga magulang. Nasamsam sa suspek ang cal. 38 revolver na ginamit nito sa pamamaril.

Show comments