Trader nag-suicide

MANILA, Philippines - Dahil umano sa problema sa malala nitong karam­daman, nag-suicide ang isang 57-anyos na negosyante makaraan itong magbaril sa sarili sa Brgy. San Andres, Malvar, Batangas kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Edison Olan, tubong Muntinlupa City at residente ng nasabing lugar.

Sa ulat ng Batangas Police, bandang alas-9:30 ng gabi habang abala sa gawain sa kusina ang misis ng biktima na si Estelita Vinas-Olan nang marinig nito ang isang malakas na putok ng baril galing sa silid nilang mag-asawa.

Agad namang napatakbo ang ginang sa pinagmulan ng putok at nang buksan ang kanilang silid ay laking gulat sa nabungarang duguan at nakabulagta nitong asawa na may isang tama ng bala sa ulo.

Bago ang insidente ay dalawang beses na ring nagtangkang magpakamatay ang biktima sa pamamagitan ng pag-inom ng lason pero napigilan ito ng kaniyang pamilya.

Nabatid na desperado ang biktima sa kanyang karamdaman na siyang motibo sa pagpapatiwakal nito.

Wala namang nakitang foul play ang mga awtoridad sa kasong ito. Arnell Ozaeta

Show comments