Baby binalibag sa semento ng tiyuhin, patay

MANILA, Philippines - Halos nabasag ang bungo at nalasog ang mga buto ng isang taong gulang na sanggol na babae matapos itong makailang ulit na ihampas sa konkretong sahig ng kanyang tiyuhin na sinasabing may topak sa pag-iisip noong Miyerkules ng gabi sa bayan ng Bayambang, Pangasinan.

Sa phone interview, kinilala ni P/Supt. Gaston Cafongtan, hepe ng Bayambang PNP ang biktima na si Shaira Mae Arenas na naisugod pa sa ospital subalit idineklarang patay.

Nabatid na dumating sa bahay ng pamilya Arenas ang suspek na si Noli Arenas Solomon nang madatnan nito ang biktimang naglalaro kung saan may ginagawa naman ang ina sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Bacnono.

Bigla na lamang hinawakan ng suspek ang dala­wang paa ng bata saka itiniwarik at makailang beses na ibinalibag sa sementong sahig.

Laking gulat naman ng ina ng bata na nagsisigaw sa paghingi ng tulong sa mga kapitbahay kung saan rumesponde naman ang mga barangay tanod at hinabol ang suspek na kumaripas ng takbo.

Nagawa namang masakote ng mga operatiba ng pulisya ang suspek na sinasabing isang out-patient sa National Center for Mental Health na maaaring muling sinumpong ng sakit sa pag-iisip.

 

Show comments