Cafgu itinumba sa poultry farm

BATANGAS , Philippines– Patay ang 44- anyos na miyembro ng Citizen’s Armed Forces Geographical Unit matapos pagbabarilin habang natutulog sa barracks ng poultry farm sa Barangay Sampiro, bayan ng San Juan, Batangas noong Lunes ng gabi. Kinilala ni P/Chief Insp. Pablo Aguda, hepe ng San Juan PNP ang biktimang si Demetrio Palma Jr. ng Barangay Malinta, Los Baños, Laguna at nakabase sa ilalim ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army 59th Infantry Battalion. Sa imbestigasyon, bandang alas-8 ng gabi nang pasukin ng dalawang armadong lalaki ang silid ni Palma saka pinagbabaril. Napag-alamang nagtratrabaho bilang checker at time keeper ang biktima sa tinatayong poultry farm. “Mukhang napag-initan ang biktima ng mga construction workers kasi mahigpit siya sa trabaho. Inaalam pa namin kung may kinalaman ang NPA na pinagsumbungan ng mga trabahador na nagagalit kay Palma,” pahayag ni Aguda.

Show comments