Shootout: 2 karnaper bulagta

Sinusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang karnaper na napatay matapos na maki­pagbarilan sa mga tauhan ni P/Chief Insp. Voltaire Rivera sa By-Pass Road, Barangay Burol 2nd, bayan ng Balagtas, Bulacan. Kuha ni Boy Cruz

BULACAN, Philippines - – Bulagta ang dalawa sa tatlong kalalakihan na sinasabing mga notoryus na motorbike thieves habang sugatan naman ang isang pulis matapos sumiklab ang bakbakan sa Barangay Burol 2nd, bayan ng Balagtas, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Kasalukuyang bineberipika ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay habang pinaghahanap naman ang isa pang kasamahan.

Sugatan naman si PO3 Jonar Azarcon, 32, nakatalaga sa Balagtas PNP matapos na tamaan sa kaliwang bahagi ng katawan.

Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Ferdinand Divina, hinarang at tinutukan ng baril ng mga suspek ang 38-anyos na misis na nagmomotorsiklo pagsapit sa P. Castro Street, Barangay Longos.

Tinangay ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima na hindi na nanlaban sa takot na mapatay suba­lit kaagad naman itong humingi ng tulong sa pulisya.

Kaagad naman namataan ng pulisya ang mga suspek kaya tinangkang pahintuin sa inilatag na checkpoint subalit pinutukan sila kung saan tinamaan si PO3 Azarcon.

Dito na sumiklab ang bakbakan hanggang sa mapatay ang dalawang karnaper.

Narekober sa dalawa ang cal.38 revolver, personal na gamit ng biktima at ang motorsiklong kinarnap.

Show comments