Mister binoga, sanggol sugatan

MANILA, Philippines - Batangas - Dead- on-the-spot ang isang 48-anyos na lalaki habang sugatan naman ang kanyang 7-buwang gulang na sanggol matapos na pagbabarilin sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Lipa City noong Biyernes Santo ng umaga.

Kinilala ni Superintendent Jacinto Malinao, hepe ng Lipa City Police ang napatay na biktimang si Ferdinand Dimaandal, residente ng Brgy. Sabang, Lipa City  at ang nasugatan naman ang anak nitong si Ashley Joy.

Ayon sa report, bitbit umano ni Ferdinand ang kanyang anak sa may kusina ng kanilang bahay nang bigla nalang dumating ang suspek na armado ng isang baril at pagbabarilin ito bandang alas 7:50 ng umaga.

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital si Ferdinand samantalang nagtamo ng sugat si Ashley Joy mula sa ligaw na bala at kasalukuyang ginagamot na sa Lipa District Hospital

Samantala, tumakas naman ang suspek sakay ng isang kulay puting motorsiklo at sumibad patu­ngo sa hindi pa malamang destinasyon.

Ayon ka Malinao, kasalukuyang may kinakasama si Dimaandal na babaeng may asawang nakakulong dahil sa kasong murder na siyang hinihinalang nasa likod ng krimen na posibleng kagagawan ng nakalaya nitong kakosa.

 

Show comments