Kinidnap na guro, laya na

MANILA, Philippines - Matapos ang halos tatlong buwan, pinalaya na ng mga kidnapper ang dinukot ng mga itong guro sa bisinidad ng Rural Bus terminal sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni Army’s 1st Infantry Division (ID) Spokesman Captain Jefferson Mamauag ang pinakawalang bihag na si Cathy Mae Casipong, 23 anyos, guro sa Siboktot Elementary School, Brgy. Limaong, Zamboanga City.

Ang nasabing guro ay dinukot ng mga armadong kalalakihan noong Disyembre 18, 2013  matapos harangin ang pumpboat na sinasakyan nito sa karagatan habang pauwi na sa kanilang tahanan galing sa pinagtuturuang eskuwelahan na nasa isang isla sa lungsod.

Kinumpirma ni Mamauag na narekober ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang biktima sa nasabing terminal dakong alas-6:40 ng gabi matapos itong ihatid ng isa sa mga kidnapper na nagmaneho ng tricycle na pinagsakyan sa bihag.

Gayunman, ayon sa opisyal ay kasalukuyan pang beneberipika kung nagbayad ng ransom ang pamilya ng biktima sa mga kidnapper kapalit ng kalayaan nito matapos na mapaulat na nagbenta ang mga ito ng ari-arian na aabot sa P 300,000.00 halaga.

Show comments