Kandidatong chairman itinumba

MANILA, Philippines - Napatay ang 43-anyos na kandidatong barangay chairman  matapos itong pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa Barangay Tagakpan, Tugbok District, Davao City, Davao del Sur  noong Huwebes ng hapon. Kinilala ni P/Senior Supt. Ronald dela Rosa ang napaslang na si Kagawad Ruel Caigan Pague ng Purok Orchidz sa nasabing barangay. Ayon sa imbestigasyon, lulan ng traysikel ang biktima nang harangin at ratratin bandang alas-12:10 ng hapon. Nabatid na si Pague ay kandidato sa pagka-barangay chairman kaugnay sa  gaganaping barangay at Sanggunian Kabataan (SK) elections sa Oktubre 28. Sinisilip ng pulisya ang anggulong paghihiganti matapos umanong may mapatay na Muslim ang biktima bagama’t  naareglo ito.

Show comments