PNP umalerto, seguridad hihigpitan sa concert ni Ariana sa Pinas

MANILA, Philippines -  Hihigpitan ng PNP ang security measures at mahigpit na babantayan ang malalaking events sa bansa upang hindi matulad sa malagim na ‘terror attack’ ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa pambobomba sa  concert ni Ariana Grande sa Manchester Arena, London na ikinasawi ng 22 katao at marami ang nasugatan.

Kaya’t hinikayat ng PNP ang mga organizers ng Ariana Grande concert sa Manila na gaganapin sa Agosto na makipagkoordinasyon sa mga otoridad upang tiyakin ang kaligtasan ng events upang hindi maganap sa bansa ang malagim na pambobomba ng ISIS sa Manchester Arena.

Binalaan rin ng PNP ang publiko na isagawa ang kaukulang pag-iingat sa panonood ng mga concerts at mga malalaking events na maging vigilante at makipagtulungan sa mga otoridad sa lahat ng oras.

Tiniyak naman ng PNP  na may sapat silang kakayahan na humawak ng mga international events tulad ng katatapos na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at maging ang mga malalaking event tulad ng katatapos na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na nakatakda sa Nobyembre ng taong ito.

Sa kabila nito na bagaman wala namang namomonitor na banta ng terorismo ang PNP  sa Grande’s concert sa Agosto ay mas mabu­ting nakaalerto ang lahat ng oras.

Nabatid pa na ang nangyaring pagsabog sa  Manchesters concert arena sa London ay isang terror attack na kagagawan ng isang ISIS bomber  na may dalang bomba.   

Show comments