Gilas ika-3 biktima ang Singapore
MANILA, Philippines — Napanatili ng Gilas Pilipinas men’s team ang malinis na kartada matapos hatawin ang Singapore, 88-37, sa umaatikabong 5-on-5 basketball event ng 31st Southeast Asian Games sa Thanh Tri Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.
Apat na players ang naglista ng double figures sa pamumuno ni RR Pogoy na umariba sa 19 puntos at tatlong steals para sa Nationals na umangat sa 3-0 baraha sa tuktok ng standings.
Hindi rin nagpahuli si teen sensation Lebron Lopez, na kakadiwang lamang ng kanyang ika-19 kaarawan kamakalawa, sa paghakot ng 18 markers at dalawang steals habang may tig-11 rin sina Matthew Wright at Jaydee Tungcab.
Nauna nang umeskapo ang Gilas kontra karibal na Thailand, 76-73, bago tambakan ang Cambodia, 100-32, upang lalong lumapit sa hangaring masungkit ang kanilang ika-14 na sunod at ika-19 na kabuuang SEA Games gold medal.
Sunod na makakasagupan ng Nationals sa gabay ni coach Chot Reyes ang host at wala pa ring talong Vietnam ngayong alas-7 ng gabi (Manila time) bago harapin ang Malaysia at Indonesia.
Nananatili namang walang panalo ang Singapore sa 0-2 kartada matapos ding kapusin kontra sa Vietnam, 83-83, kamakalawa.
Samantala, undefeated din ang reigning gold medalist na Gilas women’s team matapos kaldagin ang karibal na Thailand, 97-81, para sa 2-0 kartada.
Wala uling nakapigil kay ace guard Afril Bernardino nang magpakawala ng halimaw na 20 puntos, 16 rebounds, tatlong steals at tatlong tapal upang giyahan ang dominanteng panalo ng Gilas.
- Latest