^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Kawawang nurses

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Kawawang nurses

Sa kabila na inatasan na ng pamahalaan ang Department of Health at Department of Budget and Management na ipagkaloob na sa healthcare workers­ ang kanilang special risk allowance (SRA), transportation and food allowances at iba pang bene­pisyo, marami pa rin ang hindi nakatatanggap. Ka­bilang sa mga hindi nakatatanggap ang mga nurses. Noong nakaraang buwan, ipinag-utos na ni President Duterte na ibigay na ang hinihingi ng HCWs. Inatasan ang DOH at DBM na ibigay ito sa loob ng 10 araw. Pero mahigit isang buwan na ang nakalilipas, halos wala pa umano sa kalahati ng HCWs ang naka­katanggap ng SRA at malaking bilang ay mga nurses.

Kawawa ang nurses. Pinagkakaitan sila. Hanggang kailan sila magtitiis? Hanggang kailan sila mag­­hihintay sa mga benepisyong dapat ay noon pa ibinigay? Mula nang magsimula ang pandemya, marami sa mga nurses ang sobra-sobra ang pagdu-duty. Ayon sa report, may mga umaabot ng 14 na oras ang duty. Lalo pang nadagdagan ang oras ng pagtatrabaho nang dumami ang mga COVID cases noong Marso at ngayong nagkaroon na naman ng surge, lalo pang bumigat ang kanilang responsibilidad. At sa kabila nito, masyadong maliit ang kanilang suweldo at hindi pa naibibigay ang allowances at benepisyo.

Maraming nurses sa mga pribadong hospital ang sumasahod lamang ng P8,000. Saan aabot ang hala­gang ito? Nakakaawa ang kalagayan ng mga nurses sa pribadong ospital. ‘Di hamak na mas talo sila ng mga nurse na nasa pampublikong ospital na sumasahod ng P22,000. Ganunman, para sa mga nurses sa pampubli­kong hospital, mababa pa rin ang kanilang tinatanggap na suweldo.

Maraming nurses na ang nagsipag-resign dahil nga sa kakulangan sa suweldo. Marami na ang nagsipag-abroad. Ang isang ospital sa Batangas na dati ay may 200 nurses bago ang pandemya, ngayon ay 63 na lamang. Ang iba ay nag-abroad na at kumikita na nang malaki.

Noong nakaraang linggo, isang panukalang batas (House Bill 7490) ang inihain sa Kongreso ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte para itaas ang suweldo ng mga nurses. Sa panukala, ang nurse na sumasahod ng P20,000 ay magiging P60,000.

Maganda ito. Sana maipasa para maibsan ang dina­ranas ng mga nurses na ngayon ay humahagok na sa pagod pero hindi sapat ang suweldo.

vuukle comment

DOH

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with