Rider patay sa semplang
MANILA, Philippines — Lasog ang isang rider makaraang mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo at sumemplang dulot ng madulas na kalsada sa Sta. Cruz, Maynila nitong Lunes ng gabi.
Nalagutan ng buhay sa loob ng Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Jonjon Catubag, 34, ng Sta Cita St., Tondo.
Sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit, naganap ang aksidente dakong alas-11:15 ng gabi sa may westbound lane ng Claro M. Recto Avenue sa Sta. Cruz, Maynila.
Binabagtas ng biktima ang naturang kalsada nang biglang mawalan ng kontrol sa motorsiklo at sumemplang.
Humampas din siya sa isang nakaparadang Kia Pregio van na dahilan ng matinding pinsala sa katawan.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at isinugod si Catubag sa ospital ngunit tuluyan na rin siyang nalagutan ng buhay.
- Latest