Ayudang pagkain, tiniyak ng DSWD sa mga naka-lockdown
MANILA, Philippines — Nakahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mamahagi ng libu-libong food packs sa mga residente sa Metro Manila na naisailalim sa granular lockdown ang kanilang lugar dahil sa epekto ng COVID- 19 .
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Glenda Relova, 1,000 food packs ang nakahanda na sa bawat lokalidad sa Caloocan, La Piñas, Parañaque, Pateros, Mandaluyong, Manila, Marikina, Taguig at Valenzuela.
Sinabi ni Relova na ang bawat apektadong pamilya ay tatanggap ng tatlong food packs kada linggo.
Ngayong nasa alert level 4 ang Metro Manila, sinabi ni Relova na sa loob ng dalawang linggong granular lockdown, ang food packs sa unang linggo ng lockdown ay magmumula sa LGUs at ang food packs sa ikalawang linggo ay magmumula sa DSWD.
Anya, sakaling patuloy pa rin ang surge at kailangan ang ayuda o ma-extend ang implementasyon ng granular lockdown ay patuloy din ang pagkakaloob ng ayuda ng DSWD.
Ang DSWD ay may P1.3 bilyong halaga ng food packs at non-food items para sa mga residenteng nasa granular lockdown sa NCR.
- Latest