‘Medical insurance’ sa mag-aaplay ng trabaho, peke – DOLE
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa publiko kaugnay ng kumakalat na pekeng ‘panuntunan’ ukol sa pagtatakda umano ng gobyerno ng P6,000 ‘medical bond’ sa mga aplikante sa trabaho.
“The public is hereby warned of the spurious ‘Guidelines for Recruitment of Non-Vaccinated Applicants’ found circulating the past days,” ayon kay Labor Secretar Silvestre Bello III.
Ginamit sa naturang dokumento ang pangalan nina Bello at ni Acting Presidential Spokesperson Karlo Alexei Nograles.
Nakasaad sa pekeng dokumento na bilang pagsunod sa DOLE at Inter-Agency Task Force, kailangan na sumunod sa ‘medical bond protocol’ ng sinumang aplikante sa trabaho para matiyak na kung magpo-positibo sa RT-PCR o Rapid Antigen COVID-19 test ay mayroon silang medical insurance.
Kapag nagnegatibo ang aplikante, kailangan umanong i-refund ng kumpanya ang P6,000 sa empleyado.
“The Department of Labor and Employment and the COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases have never issued such “Guidelines,” giit ni Bello.
Kasalukuyang tinutukoy na umano ng pamahalaan ang mga nasa likod ng naturang panloloko na target ang mga kaawa-awang manggagawa na naghihirap ngayong pandemya.— Gemma Garcia
- Latest