...Hidilyn masaya para kay Ando

MANILA, Philippines — Nakatanggap ng mainit na mensahe si Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz mula sa malalapit nitong kaibigan matapos mabigong makapasok sa Paris Olympics.

Kaliwa’t kanan ang pagbibigay-pugay kay Diaz na walang duda na isa sa pinakamahusay na atleta sa kasaysayan ng Pilipinas matapos ibigay ang kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa Olympics.

Bigo si Diaz na makapasok sa Paris Games kung saan nakuha ni Elreen Ando ang puwesto sa women’s 59kg division dahil sa impresibong pagbuhat na ipinamalas sa IWF World Cup.

Tanggap ni Diaz ang lahat kung saan nagbigay pa ito ng mensahe para kay Ando sa kanyang social media account. Para kay Diaz, deser­ving si Ando na nagsikap din para maabot ang tiket sa Paris Games.

“Congratulations Ando. Well deserved,” ani Diaz sa kanyang post sa social media.

Maningning ang karera ni Diaz na sumabak sa apat na sunud-sunod na Olympic Games — noong 2008 sa Beijing, China, noong 2012 sa London, England, noong 2016 sa Rio de Janeiro, Brazil kung saan nakapilak ito, at noong 2021 sa Tokyo, Japan kung saan ito nakakuha ng ginto.

Kaya naman wala nang mahihiling pa si Diaz na marami nang karangalan ang naibigay sa Pilipinas.

Show comments