Creamline dadaan sa butas ng karayom sa Cignal HD
MANILA, Philippines — Kapwa puntirya ng nagdedepensang Creamline at Cignal HD ang kanilang ikalawang sunod na panalo makaraang matikman ang unang kabiguan sa 2024 PVL All-Filipino Conference.
Hangad muling masolo ang liderato, lalabanan ng Cool Smashers ang HD Spikers ngayong alas-6 ng gabi matapos ang laban ng Chery Tiggo Crossovers at Nxled Chameleons sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Maghaharap sa alas-2 ng hapon ang Petro Gazz Angels at Capital1 Solar Spikers.
Magkakadikit sa top spot ang Creamline, PLDT at Choco Mucho sa magkakapareho nilang 5-1 kartada sa itaas ng Cignal (4-1), Chery Tiggo (4-2), Petro Gazz (4-2), Akari (2-4), Farm Fresh (2-4), Galeries (2-4), Nxled (1-4), Capital1 (1-5) at Strong Group Athletics (0-6).
Nagmula ang Cool Smashers sa 25-18, 25-14, 25-15 pagwalis sa Solar Spikers matapos ang 18-25, 24-25, 23-25 kabiguan sa Crossovers.
“I think one thing na nire-remind sa’min ni coach (Sherwin Meneses), we really have to stick with the system and kapag nakikita niya iyon, it’s a win for us,” sabi ni Alyssa Valdez.
Muling makakatuwang ni Valdez sina Jema Galanza, Tots Carlos, Kyle Negrito at Pangs Panaga para sa Creamline.
Umiskor naman ang HD Spikers ng 25-7, 25-16, 25-16 panalo sa Athletics makaraan ang 18-25, 20-25, 21-25 pagkatalo sa Flying Titans.
Sina Vanie Gandler, Ces Molina, Jovelyn Gonzaga, Riri Meneses, Roselyn Doria at Dawn Macandili-Cahilig ang babandera sa Cignal.
Pakay din ng Petro Gazz ang pang-limang panalo sa pagsagupa sa Capital 1.
Sa ikalawang laro, nakatutok ang Chery Tiggo sa kanilang ikatlong sunod na ratsada sa pagharap sa Nxled.
Magkasunod na pinahiya ng Crossovers ang Cool Smashers, 25-18, 25-24, 25-23, at ang Gazz Angels, 25-21, 18-25, 22-25, 25-19, 15-13.
Yumukod naman ang Chameleons sa Chargers, 17-25, 19-25, 20-25, sa kanilang huling laro.
- Latest