Gonzaga dagdag puwersa sa Cignal

MANILA, Philippines — Balik si opposite hitter Jovelyn Gonzaga sa kampo ng Cignal HD Spikers para sa nalalapit na pagbubukas ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa Hunyo 29.

Excited na si Gonzaga na muling makasama ang kanyang teammates sa HD Spikers matapos ang ilang taong pagkakawalay sa kanila.

Isa sa pinakamalapit nitong kaibigan sa HD Spi­kers si outside hitter Rachel Daquis na nakasama na nito sa iba’t ibang teams gayundin sa national team sa nakalipas.

“Rachel and I’s friendship has stood the test of time. It feels good to be reunited with her and for sure we only have one goal in mind:  The championship,” ani Gonzaga.

Alam ni Gonzaga na isa si Daquis sa kasangga nito sa hirap at ginhawa.

“I know that she will fight for me and I will fight for her too and the team,” dagdag ni Gonzaga.

Galing si Gonzaga sa kampanya sa beach volleyball event ng 32nd SEA Games sa Phnom Penh, Cambodia kung saan kapares nito si Sisi Rondina.

Ngunit bigo ang beach volley team na makasungkit ng medalya sa Cambodia Games.

Orihinal na miyembro ng Philippine Army Lady Troopers si Gonzaga dahil ito ang mother unit niya.

Subalit nagpasya ang Lady Troopers na hindi lumahok sa Invitational Conference kaya’t nabig­yan ng pagkakataon si Gonzaga na makapaglaro sa ibang team.

Bukod kay Daquis, makakatuwang ni Gonzaga sa HD Spikers sina Ces Molina, Chai Troncoso, Jerrili Malabanan at Vanie Gandler sa wing position.

Show comments