SMB, NLEX agawan sa bonus

MANILA, Philippines — Tanging ang TNT Tropang Giga at nagdedepensang Barangay Ginebra pa lamang ang mayroon nang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinal round ng 2023 PBA Governors’ Cup.

Ito ang pupuntiryahin ng San Miguel at NLEX sa kanilang banggaan nga­yong alas-5:45 ng hapon matapos ang salpukan ng Tropang Giga at NorthPort Batang Pier sa alas-3 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Ang panalo ng Beermen ang magbibigay sa kanila ng ‘twice-to-beat’ bonus na hangad din ng Road Warriors.

Hawak ng TNT ang 8-1 baraha kasunod ang Ginebra (8-2), San Miguel (7-2), NLEX (7-3), Meralco (7-4), Magnolia (7-4), Converge (6-5), Phoenix (4-7), NorthPort (3-7) at mga talsik nang Rain or Shine (2-8), Terrafirma (2-9) at Blackwater (1-10).

Sakaling matalo ang Beermen ay may ikalawa at huli silang tsansa sa insentibo sa pagharap sa Elasto Painters sa Biyernes.

Nagmula ang SMB sa 103-105 kabiguan sa TNT habang umiskor ng dalawang sunod na panalo ang NLEX sa Terrafirma, 142-125, at sa Rain or Shine, 110-99.

Kung mananaig naman ang Road Warriors sa Beermen ay maibubulsa nila ang quarterfinals bonus habang ang kabiguan ang posibleng maghulog sa kanila sa No. 5 o No. 6 spot.

Sa unang laro, target ng Batang Pier ang panalo sa Tropang Giga para makahirit ng playoff sa No. 8 berth kalaban ang Fuel Masters.

“Sabi ko nga sa mga players, ‘Kapag gusto ninyong magbakasyon na, pakita na lang tayo. Pero kung ayaw ninyo pa, nasa inyo na iyon,” wika ni NorthPort coach Bonnie Tan.

Show comments