POC may koneksiyon na sa Paris Olympics

Lumagda sa memorandum of understanding sina Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino (kanan) at La Moselle President Patrick Weiten.
STAR/File

MANILA, Philippines — May kasangga na ang Team Philippines sa oras na sumabak ito sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.

Ito ay matapos makabuo ang Philippine Olympic Committee (POC) ng “French Connection” sa City of Metz sa France para maging katuwang nito sa paghahanda ng Team Philippines para sa Paris 2024 Olympics.

“We in the POC are making sure our qualified athletes are well-prepared and acclimatized for the Paris Olympics,” ani POC president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.

Nakipagkasundo ang POC sa mga opisyales ng City of Metz sa France para sa naturang partnership.

Pumirma sina Tolentino at La Moselle President Patrick Weiten ng memorandum of understanding sa isang simpleng se­remonya na dinaluhan din ng ilang French media.

Nakasaad sa kasunduan ang paggamit ng mga sports facilities sa lahat ng sports at pagbibigay ng suporta gaya ng accommodation at food sa Filipino athletes na magkukuwalipika sa Paris Games.

Magsasanay sa City of Metz ang mga Pinoy Olympians sa loob ng dalawang buwan bago sumabak sa Paris Olympics.

“The qualified athletes will train here for two months before the Olympics open,” ani Tolentino.

Idaraos ang Paris Olympics sa Hulyo 26 hanggang Agosto 11 sa 2024.

Ito ang unang pagkakataon na makakapagsanay ang mga Pinoy athletes ng dalawang buwan sa mismong bansa na pagdarausan ng Olympics.

Target ng POC na ma­kapagpadala ng 19 atleta sa Paris Olympics. (CCo)

Show comments