Baltazar maglalaro sa KBL

MANILA, Philippines — Matapos ang maik­ling paglalaro sa Japan B.League ay susubukan naman ni Justine Baltazar ang kanyang kapalaran sa Korean Basketball League (KBL).

May kinakausap ng KBL team ang kampo ng 6-foot-6 center para sa ina­asahan niyang paglipat sa nasabing liga.

Inilaglag ng B.League team na Hiroshima Dra­gon­flies si Baltazar kung sa­an siya nakapaglaro ng walong beses.

Sa kabuuang 13:36 mi­nuto ay nagtala lamang si Baltazar ng 2 points, 1 re­bound, 1 assist at 1 steal.

Isa sana ang dating La Salle Green Archers big man sa posibleng na­ging top pick sa nakaraang PBA Draft kundi lamang niya bi­nawi ang kanyang isinumiteng application form.

Noong nakarang linggo umuwi sa Pilipinas si Baltazar para maglaro saglit sa Pampanga G Lanterns sa Pilipinas Super League.

Ngunit hindi siya nakita sa aksyon sa panalo ng Pam­panga laban sa San Pedro at Quezon City sa Pro Division Second Confe­rence Dumper Cup.

Sakaling matuloy siya sa KBL ay makakasama ni Baltazar sa liga sina RJ Abarrientos, Rhenz Abando, SJ Belangel, Ethan Al­vano at Justine Gutang.

Sasampa na rin sa Ko­rean league si dating Ate­neo Blue Eagles’ guard Dave Ildefonso para isuot ang uniporme ng Suwon KT Sonicboom.

Samantala, nagtala si Abando ng 2 points, 2 rebounds at 1 assist sa 92-74 panalo ng Anyang KGC sa Wonju DB Promy sa 2022-23 KBL season.

Show comments