MANILA, Philippines — Ipinahiya ng Gilas Pilipinas ang Jordan sa kanilang sariling teritoryo matapos itarak ang matikas na 74-66 panalo sa FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Amman, Jordan.
Solidong depensa ang naging matibay na armas ng Gilas Pilipinas para pigilan ang pagtatangka ng Jordan at masiguro ang ikaapat na panalo.
Malakas na puwersa ang inilatag ng Pinoy squad sa second half kung saan nalimitahan nila ang Jordan sa 10 points sa third period.
“We’re very happy with the result, and for the game, we really focused on our defense, being able to stop their main players. I think the result - we were able to hold them below 70 points, so I think that speaks well of our ability to defend,” ani Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes.
Ito ang unang kabiguan ng Jordan sa kanilang homecourt sapul noong 2018.
“We knew it was going to be a tough game. We have very high respect for the Jordan basketball team and we’ve played them so many times already in the past. But again, our defense carried us to the victory,” dagdag ni Reyes.
Balanseng atake ang inilatag ng Gilas Pilipinas sa pangunguna ni 7-foot-3 Kai Sotto na nagtala ng 16 points, 7 rebounds at 2 blocks.
Nag-ambag si Bobby Ray Parks Jr. ng 13 markers, 2 rebounds, 2 assists at 2 steals, habang kumana si CJ Perez ng 11 points, 5 assists at 3 boards.
Ngunit nagningning nang husto si reigning PBA MVP Scottie Thompson na may all-around game na 8 pointss, 13 rebounds, 8 assists at 1 steal.
Masaya si Thompson na nadala niya ang kanyang role sa Ginebra sa Gilas Pilipinas.
“Doon talaga ako kompotable. Kung ano iyong best ko na maitutulong sa team, iyon ang ginagawa ko sa Ginebra at hoping ako noon na madala ko dito sa Gilas,” ani Thompson.
Nangibabaw para sa Jordan si naturalized player Dar Tucker na naglista ng 23 points.
Hirap na makapuntos si Tucker sa second half dahil sa solidong depensa nina Dwight Ramos at Jamie Malonzo na siyang bumantay sa kanya.