2-0 target ng UP
MANILA, Philippines — Apat na koponan ang magtatangkang masikwat ang ikalawang sunod na panalo sa pagpapatuloy ng UAAP Season 85 men’s basketball tournament ngayong araw sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nangunguna na sa listahan ang defending champion University of the Philippines (UP) na haharap sa Adamson University sa ala-una ng hapon.
Mag-uunahan naman ang Ateneo de Manila University at National University sa win No. 2 sa kanilang duwelo sa alas-6:30 ng gabi habang sasabak ang University of Santo Tomas kontra sa De La Salle University sa alas-4:30 ng hapon.
Target naman ng University of the East at Far Eastern University na makuha ang unang panalo sa kanilang paghaharap sa alas-11 ng umaga.
Magkakasalo sa four-way tie sa No. 1 ang Fighting Maroons, Blue Eagles, Bulldogs at Growling Tigers matapos manaig sa kani-kanyang unang laro.
Mainit na sinimulan ng UP ang title-retention bid nito matapos igupo ang La Salle via come-from-behind 72-69 win sa opening day noong Sabado.
Bumandera sa naturang panalo si Gilas Pilipinas standout Carl Tamayo na naglatag ng 18 puntos, 19 rebounds, dalawang assists at dalawang steals para pamunuan ang Fighting Maroons sa panalo.
Kaya naman inaasahang muling aariba para sa UP si Tamayo kasama sina Malick Diouf at Terrence Fortea upang hablutin ang ikalawang panalo.
Haharapin ng UP ang Adamson na desididong makaresbak mula sa kanilang 60-69 kabiguan sa kamay ng UST noong Sabado.
Kakasa para sa Adamson si Jerom Lastimosa — ang top scorer noong Season 84.
Subalit ayaw ni Soaring Falcons head coach Nash Racela na kay Lastimosa lamang umasa dahil markado na ito ng kanilang mga kalaban.
“Now, it’s up to the other guys to really step up to the plate and face the responsibilities head on. They don’t really have a choice,” ani Racela.
- Latest