Diay bibigyan-pugay ng POC

Lydia de Vega.
STAR / File

MANILA, Philippines — Bibigyang-pugay ng Philippine Olympic Committee (POC) ang kontribusyon ni dating Asian Sprint Queen Lydia de Vega sa Philippine sports.

Target ng POC na i­lagay ang mga memorabilias ni De Vega sa itata­yong POC Museum sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Ito ang inihayag ni POC President Rep. Abraham “Bambol”  Tolentino sa pagbisita nito sa burol ng dating Asian queen sa Heritage Park sa Taguig City.

Sinabi ni Tolentino ang plano nito sa anak ni De Vega na si Stephanie Mercado-Koenigswarter at sa ina nitong si Mary.

“Lydia’s legacy will forever be remembered. So we, the POC, are planning to put all her achievements on a wall inside the Olympic museum,” ani Tolentino.

Hindi matatawaran ang karangalang ibinigay ni De Vega sa Pilipinas noong dekada 80 at 90 partikular na sa Asian Games, Asian Championships at Southeast Asian Games.

“Her achievements in the Southeast Asian Games, Asian Championships and Asian Games, among others, will be immortalized there in the museum. She’ll be an inspiration to all aspiring athletes,” ani Tolentino.

Nakatakdang simulan ang pagtatayo ng POC headquarters sa New Clark City na magsisilbing ta-hanan nito.

“This is the first time that the POC will have a home of its own.  And a museum will be built to aptly highlight this home,” dagdag ni Tolentino.

Nakilala ng husto si De Vega nang manalo ito ng back-to-back Asian Games 100 meters gold medals sa New Delhi 1982 at Seoul 1986.

Nagkaroon din ito ng tig-dalawang  ginto sa 100m at 200m dash sa Asian Championships sa Singapore 1983 at Kuwait 1987. Bukod pa rito ang siyam na ginto sa SEA Games mula 1980s at 1990s.

Show comments