Valdez excited na makaharap ang foreign teams

Si Alyssa Valdez ng Creamline laban kay Jovelyn Gonzaga ng Army.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Excited na si Creamline team captain Alyssa Valdez na makaharap ang mga foreign teams na malaki ang maitutulong upang mas lalong mapalalim ang kanilang karanasan.

Nakilala na ang apat na koponang umusad sa semifinals ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.

Maliban sa Open Conference champion Creamline, pasok din ang Cignal, PLDT Home Fibr at Philippine Army na makikipagsabayan sa guest teams na Kobe Shinwa ng Japan at King Whale ng Chinese-Taipei.

“Very excited. Siguro as a team din, this is the first time na makakapaglaro kami against international na teams e. So we’re very excited as a team, and ayun,” ani Valdez.

Umaasa si Valdez na maraming mapupulot na aral ang kanilang tropa sa Japanese at Taiwanese teams partikular na ang mga teammates nitong wala pang karanasan sa international tournaments.

May ideya na si Valdez sa sistema ng laro ng Chinese-Taipei dahil naging import na ito ng Taiwanese club na Attack Line sa mga nakalipas na taon.

“I feel like mas marami kaming matututunan talaga. Mas magiging strong pa yung team namin sa mga next na upcoming games. Very excited lang, very excited lang we’re r­eally looking forward na mas marami kaming matutunan at makalaban sila kasi we need experience kasi e,” dagdag ni Valdez.

Alam ng apat na local teams na mas matinding pukpukan ang pagdaraanan nito sa semis lalo pa’t hindi basta-basta ang mga koponang ipinadala ng Japan at Chinese-Taipei.

Magsisimula ang semis bukas sa The Arena kung saan unang magharap ang High Speed Hitters at Lady Troopers sa nag-iisang laro sa alas-4.

Show comments