MANILA, Philippines — Hindi maawat ang De La Salle University at National University matapos kubrahin ang ikalawang sunod na panalo kahapon sa UAAP Season 84 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mabilis na nasawata ng La Salle ang Adamson, 25-21, 25-20, 25-14, para angkinin ang ikalawang sunod na panalo.
Bumanat para sa Lady Spikers sina Jolina Dela Cruz at Alleiah Malaluan na parehong nagsumite ng 12 hits, habang nag-ambag sina Thea Gagate at Mereophe Sharma ng pinagsamang 17 puntos.
May tig-12 puntos sina Lucille Altamonte at May Nuique subalit bigo ang mga ito na makakuha ng sapat na suporta mula sa kanilang teammates para mahulog sa 0-2 marka.
Sa kabilang banda, patuloy din ang mainit sa ratsada ng National University matapos pabagsakin ang defending champion Ateneo de Manila University, 25-22, 25-15, 22-25, 25-22.
Muling naglatag ang Lady Bulldogs ng balanseng atake para kubrahin ang kanilang ikalawang sunod na panalo at manatili sa tuktok ng standings.
Hindi matinag sina Princess Robles at Michaela Belen nang pamunuan ang opensa ng NU matapos magrehistro ng tig-18 puntos.
Tanging si si Faith Nisperos ang naging liwanag ng Lady Eagles nang kumana ito ng 16 markers.