MANILA, Philippines — Itinala ng St. Benilde Blazers ang kanilang ikalawang dikit na panalo at tinapos ng Emlio Aguinaldo College Generals ang dalawang sunod na kamalasan.
Pinataob ng Blazers ang Arellano Chiefs, 76-71, tampok ang 19 points ni Robi Nayve sa NCAA Season 97 men’s basketball tournament kahapon sa La Salle Greenhills Gym sa Mandaluyong City.
Humakot si Wil Gozum ng 17 points at 15 rebounds para sa 2-1 record ng St. Benilde at inilaglag ang Arellano sa ikalawang dikit na kabiguan matapos manalo sa una nilang laro.
Matapos makatabla ang Chiefs sa 70-70 ay isinalpak ni Nayve ang krusyal na triple sa huling 55 segundo ng fourth quarter para ibigay sa Blazers ang 72-70 abante.
Samantala, naglista naman si Marwin Taywan ng 14 points, 8 assists, 3 steals at 2 rebounds para pangunahan ang Generals sa 70-69 paglusot sa Lyceum Pirates.