Suns ayaw bumitaw sa itaas

Tinirahan ni Suns star Devin Booker si Hassan Whiteside ng Jazz
STAR/ File

MANILA, Philippines — Patuloy ang pangunguna ng Phoenix Suns sa NBA at sa Western Conference,  habang sumosyo ang Chicago Bulls sa No. 2 spot sa Eastern Conference.

Sa Phoenix, humataw si Devin Booker ng 33 points para banderahan ang Suns (37-9) sa 115-109 pagpapalubog sa Utah Jazz (30-18) diretso sa kanilang pang-pitong dikit na panalo.

Dinuplika ng Phoenix ang kanilang NBA-best record na 37-9 noong 2006-2007 season para sa best start sa franchise history.

Itinayo ng Suns ang 13-point lead, 48-35, sa second quarter bago naagaw ng Jazz (30-18) ang 91-86 bentahe sa pagsisimula ng fourth period.

Pinamunuan nina Booker at Chris Paul ang inihulog na 20-5 bomba para sa 111-100 kalamangan ng Phoenix sa huling 3:23 minuto para selyuhan ang kanilang panalo sa Utah.

Kumolekta si Paul ng season-high 27 points, 14 assists at 9 rebounds para sa Suns na naglaro na wala sina injured guard Cameron Payne, center Deandre Ayton at forward Jae Crowder.

Sa Oklahoma City, nagtala si center Nicola Vucevic ng 26 points at 15 rebounds sa 111-110 paglusot ng Bulls (29-17) sa Thunder (14-33) para sumosyo sa Brooklyn Nets (29-17) sa No. 2 sa East sa ilalim ng Miami Heat (30-17).

Ang mintis na 3-point attempt ni Oklahoma City guard Shai Gilgeous-Alexander sa huling 2.3 segundo ang nagtakas sa panalo ng Chicago.

Sa Cleveland, umiskor si veteran Kevin Love ng 20 points sa 95-93 pag-eskapo ng Cavaliers (29-19) kontra sa New York Knicks (23-25).

Ito ang ikalawang sunod na ratsada ng Cleveland.

Show comments