Saludar nahubaran ng WBA crown
MANILA, Philippines — Nalagasan ng world champion ang Pilipinas matapos lumasap ng split decision loss si dethroned World Boxing Association (WBA) mini-flyweight champion Vic Saludar kay Erick Rosa ng Dominican Republic sa labang ginanap sa Hotel Catalonia Malecon Center sa Santo Domingo, Dominican Republic.
Pumabor kay Saludar si Reina Urbaez ng Venezuela na nagbigay ng 113-112 sa score card ngunit dalawang judges ang nagbigay ng panalo para kay Rosa.
Nagtala si Oscar Perez ng Dominican Republic ng malayong 116-109 iskor para kay Rosa habang pumanig din sa Dominicano si Luis Pabon ng Puerto Rico na may 113-112 score.
Sa umpisa pa lamang ng laban, matindi na ang bakbakan ng dalawa kung saan bahagyang napabagsak si Saludar sa ikatlong kanto.
Nakabawi si Saludar sa mga sumunod na rounds ngunit muli itong napatumba sa ikasiyam na yugto.
Hindi agad nawalan ng pag-asa si Saludar nang mapabagsak nito sa 10th round si Rosa.
Mabilis na nakabangon ang Dominican Republic boxer para maituloy ang laban.
Sa huli, nakuha ni Rosa ang split decision win para maagaw ang WBA belt ni Saludar.
Ito ang unang title defense ni Saludar sapul nang mapanalunan nito ang WBA crown noong Pebrero laban sa kababayang si Robert Paradero sa labang ginanap sa Football Stadium sa Biñan, Laguna.
- Latest