Ramos, Grouses umentra sa Emperor’s Cup Final 4
MANILA, Philippines — Patuloy ang mainit na kamada ng tropa ni Filipino-American Dwight Ramos nang makahirit ang Toyama Grouses ng tiket sa semifinals ng 97th Emperor’s Cup - All Japan Basketball Championship sa Hokkai Kitayell sa Japan.
Nakakuha ng puwesto sa semis ang Grouses nang kunin nito ang pukpukang 94-87 panalo kontra sa Ibaraki Robots.
Nanguna si Joshua Smith nang magsumite ito ng 21 puntos, siyam na rebounds at limang assists habang tumapos naman si Julia Mavunga ng 20 puntos, siyam na assists, anim na rebounds at dalawang blocks
Kumana din si Keijuro Matsui ng 15 puntos tampok ang tatlong triples samantalang nag-ambag si Brice Johnson ng 10 markers, apat na boards at dalawang assists sa panalo.
Nasilayan sa aksyon si Ramos na agad na sinamantala ang playing time na ibinigay sa kanya upang maglista ng limang puntos, apat na rebounds at tatlong assists.
Hindi naman naging madali ang tinahak na daan ng Toyama dahil kinailangan nitong kumayod ng husto sa huling bahagi ng laban.
Nakapagtala ng 16 puntos na kalamangan ang Toyama subalit unti-unti itong natapyas sa dalawa matapos umariba ang Ibaraki para maibaba ito sa 87-85 sa huling 1:26 ng laro.
Ngunit hindi nagpabaya ang Toyama nang itarak ang 7-2 run para makuha ang panalo.
Makakasagupa ng Toyama ang Akita Northern Happinets sa semifinals ng Emperor’s Cup sa Disyembre 1.
- Latest






















