Buboy gulat pa rin sa pagreretiro ni Manny

Manny Pacquiao

MANILA, Philippines — Mismong si chief trai­ner Buboy Fernandez ay nagu­lat sa biglaang pamamaalam ni eight-division world champion Manny Pacquiao sa mundo ng boksing.

Napanood ni Fernandez ang ilang minutong farewell video ni Pacquiao.

Inamin nitong halos maiyak ito sa naging mensahe ng tinaguriang Pambansang Kamao.

Nagbalik sa memorya ni Fernandez ang matin­ding hirap at pagsisikap na pinagdaanan ni Pacquiao para marating nito ang kasalukuyang estado sa kanyang buhay.

Matagal nang magkasama sina Fernandez at Pacquiao kaya’t alam ng trainer kung ano ang naging buhay ng Pinoy boxer bago pa man nito tamasahin ang tagumpay.

Nais pa sana ni Fernandez na magkaroon ng isang laban si Pacquiao bago tuluyang magretiro.

Isa sa mga pinaplano ang rematch kay reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion Yordenis Ugas na target ganapin sa Enero.

Ngunit wala itong magagawa dahil alam nito ang puso ni Pacquiao na nagnanais tumulong sa mga kababayan nito.

Kailangan na lamang tanggapin at irespeto ang desisyon nito.

“Gusto ko talaga na manalo siya sa huling laban niya bago siya magretiro. Pero inirerespeto ko ang desisyon ni Manny. Alam ko na desidido siyang tulungan ang mga kababayan natin,” ani Fernandez.

Nagdesisyon si Pacquiao na magretiro upang ituon ang kanyang atensiyon sa buhay pulitika.

Nakapagsumite na ng dokumento si Pacquiao sa Comelec sa pagtakbo bilang pangulo sa National Election sa susunod na taon.

Show comments