Roxas dumikit sa Finals berth

MANILA, Philippines — Pinatumba ng No. 4 seed Petra Cement-Roxas ang fifth seed  Zamboanga City sa bisa ng 91-84 overtime win upang makalapit sa inaasam na tiket sa finals sa 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Leg sa Pagadian City Gymnasium sa Pagadian, Zamboanga del Sur.

Ang panalo ang nagdala sa Roxas sa 1-0 bentahe sa best-of-three semifinal series second phase kung saan isang panalo na lamang ang kailangan nito para mahablot ang ikalawang silya sa finals.

Nauna nang nakapasok sa finals ang Basilan matapos walisin ang lahat ng asignatura nito sa eliminasyon.

Nakabaon ang Roxas sa 18 puntos ngunit nakabawi ito sa likod nina Leo Najorda at Chito Jaime para makuha ang panalo.

“‘Yung leadership ni Chito at ni Leo nangingibabaw talaga kaya nagpapasalamat ako sa kanila, buo ‘yung team namin, hindi kami nag-iiwanan dito laban lang kami,” ani Roxas head coach Eddie Laure.

Nakalikom si Najorda ng 19 puntos, limang rebounds, isang steal at isang block habang naglista naman si James Castro ng parehong 19 markers kalakip ang siyam na rebounds at anim na assists.

Nag-ambag si Jhong Bondoc ng 15 points at walong rebounds.

Show comments