Casimero palaban vs Donaire

MANILA, Philippines — Palaban din si World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion John Riel Casimero na handang maki­pagbangasan ng mukha kay World Boxing Council (WBC) titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. sa kanilang all-Filipino unification bout sa Agosto 14 (Agosto 15 sa Maynila).

Aminado si Casimero na mataas ang respeto nito kay Donaire na isa sa pinakamahusay na boksingero sa Pilipinas.

Ngunit isasantabi muna ni Casimero ang pagiging kababayan nito dahil handa itong ipamalas ang maba­ngis nitong porma sa oras na makaharap si Donaire sa ibabaw ng ring.

“I respect Donaire, but when the fight comes, it’ll be a real slugfest. We all know Donaire is good, but I’m in my prime and it is my time now,” ani Casimero sa Bloddy Elbow.

Alam ni Casimero na isa ang labang ito sa magbubukas ng mas magandang oportunidad sa kanya dahil matagal din itong naghintay para sa ganitong kalaking laban.

Sa kabila ng all-Filipino unification fight, naniniwala si Casimero na win-win solution pa rin ito dahil sa pagtatapos ng laban, isang Pinoy pa rin ang mamamayagpag tangan ang dalawang korona.

Ang mananalo sa Casimero-Donaire fight ang inaasahang haharap kay reigning WBA at IBF bantamweight champion Naoya Inoue sa isa na namang unification fight.

Show comments