Bucks winalis ang Heat, pasok sa East semis

Dumakdak si Giannis Antetokounmpo laban sa Heat
STAR/File

MIAMI — Kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng triple-double na 20 points, 12 rebounds at 15 assists para pamunuan ang Milwaukee Bucks sa 120-103 pagwalis sa Heat sa kanilang Eastern Conference first-round playoffs series.

Kinumpleto ng Milwaukee ang 4-0 sweep sa Miami papasok sa semifinal round kung saan nila makakatapat ang mananalo sa first-round war ng Brooklyn Nets at Boston Celtics.

Umiskor si center Brook Lopez ng 25 points kasunod ang 22 markers ni Bryn Forbes para sa Bucks na kinuha ang 91-85 bentahe papasok sa fourth period at hindi na nilingon pa ang Heat.

Nagtala si Bam Adebayo ng 20 points at 14 rebounds sa panig ng Miami at may 18, 14, 13 markers sina Kendrick Nunn, Tyler Herro at Goran Dragic, ayon sa pagkakasunod.

Sa Washington, kumamada si Joel Embiid ng career playoff high 36 points sa 132-103 pagdomina ng Philadelphia 76ers sa Wizards para iposte ang 3-0 series lead.

Nagdagdag si Tobias Harris ng 20 points, 13 rebounds at 5 assists at may 15 markers si Danny Green sa paglapit ng 76ers sa pag-sweep sa Wizards.

Sa Memphis, umiskor si Donovan Mitchell ng 10 sa kanyang 29 points sa final canto sa 121-111 pagdaig ng Utah Jazz sa Grizzlies at agawin ang 2-1 abante sa kanilang serye.

Sa Portland, pinanta­yan ni Norman Powell ang kanyang career playoff high na 29 points sa 115-95 paggupo ng Trail Blazers sa Denver Nuggets para itabla sa 2-2 ang kanilang serye.

Naglista ng 21 markers si CJ McCollum para sa Portland.

Show comments