Kai Sotto bantay-sarado

MANILA, Philippines — Bantay-sarado ni veteran basketball skills trainer Stanley Remy ang bawat kilos ni Kai Sotto sa training camp nito sa Remy Runs basketball court sa Miami, Florida.

Sa inilabas na video ni Remy, tinututukan nito ang free throw shooting ng 7-foot-3 Pinoy cager.

“Kai Sotto here. Miami lifestyle living. Good working bro,” ani Remy sa kanyang post sa Instagram.

Kasabay din ni Sotto ang ilang American basketball players sa training camp.

Kilalang skills trainer si Remy sa Amerika dahil ilang NBA players na ang dumaan sa kamay nito gaya nina dating NBA MVP James Harden at Cleveland Cavaliers center Andre Drummond.

Kaya naman malaki ang maitutulong nito upang lubos na mapa-lakas at mapataas ang basketball skills ni Sotto.

Marami nang natutunan si Sotto sa Amerika.

Ilang video ang lumabas sa social media noong nagsasanay si Sotto kasama ang Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Nakipagsabayan si Sotto laban kay naturalized prospect Angelo Kouame sa isang scrimmages.

Kitang-kita ang laki ng ipinagbago ng kilos ni Sotto kumpara noong naglalaro pa ito sa UAAP Juniors.

Inaasahang mas lalo pang mahahasa ang ta-lento nito sa ilalim ng paggabay ni Remy.

Show comments