PSA Awards Night gagawin via virtual
MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon ay gagawin ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang taunang SMC-PSA Awards Night via virtual event sa Marso 27.
Bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic ay limitadong bilang lamang ng mga panauhin ang papayagan sa TV5 Media Center studio habang ang ibang awardees at attendees ay manonood sa online.
Pinakatampok sa kakaibang special event na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) ay ang paggawad sa Athlete of the Year trophy na ibinibigay ng pinakamatandang media organization sa pangunguna ng pangulo nitong si Manila Bulletin sports editor Tito S. Talao.
Igagawad din ang iba pang regular awards kagaya ng Executive of the Year, President’s Award, National Sports Association (NSA) of the Year at ang Lifetime Achievement Award.
Nasa honor roll list din ang mga major honorees pati na ang ilang citations at special recognitions sa mga personalidad at grupo na nagpasigla sa Philippine sports sa gitna ng pandemya.
Noong nakaraang taon ay hinirang ang Team Philippines bilang Athlete of the Year dahil sa pagkopo sa overall title ng 30th Southeast Asian Games noong 2019.
Ang nasabing PSA Awards Night ay idinaos sa Manila Hotel noong Marso 6 isang linggo bago isailalim ang buong Luzon area sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) bunga ng COVID-19 pandemic.
- Latest