Jamie dedma sa isyu, tutok lang sa bubble training

Sa panayam ng PSN Sports mula sa ‘bubble’ sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna ay sinabi ni Lim na naniniwala siyang matutuloy ang 2021 Tokyo Olympics sa kabila ng kinakaharap pa ring coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
STAR/File

MANILA, Philippines — Imbes na panghinaan ng loob dahil sa mga report na posibleng ipagpaliban muli ang pagdaraos ng 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan ay mas nakatutok si national karateka Jamie Lim sa kanyang preparasyon.

Sa panayam ng PSN Sports mula sa ‘bubble’ sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna ay sinabi ni Lim na naniniwala siyang matutuloy ang 2021 Tokyo Olympics sa kabila ng kinakaharap pa ring coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

“I’m just training po with the mindset na it will push through, so that I’ll be prepared for whatever happens,” wika kahapon ni Lim, inangkin ang gold medal sa women’s kumite +61-kilogram division ng 2019 Southeast Asian Games.

Pumasok sa ‘Calambubble’ ang anak ni PBA legend Samboy Lim kasama sina national team members Alwyn Batican, Ivan Agustin at Sharief Afif noong nakaraang linggo.

Target nina Lim, Batican, Agustin at Afif ang Olympic berth kagaya nina 2019 SEA Games gold medal winner Fil-Japanese Junna Tsukii at Fil-American Joane Orbon.

Kasalukuyang nagsasanay sina Tsukii at Orbon sa Japan at United States, ayon sa pagkakasunod.

“We started training together as a team na po. We will be sparring any time now po,” sabi ng 22-anyos na BS Mathematics summa cum laude mula sa University of the Philippines.

Sasabak ang mga national karatekas sa World Qualifiers sa Paris, France sa Hunyo 11-13 na pinakahuling qualifying tournament para sa 2021 Tokyo Oympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.

Show comments